
Kinuwestiyon ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III kung bakit nakapirma sa minority report si Senador Ronald “Bato” dela Rosa gayung hindi ito pumapasok sa Senado sapul noong Nobyembre 2025.
Sa minority report na isinapubliko nina Senador Rodante Marcoleta at Imee Marcos, binanggit dito ang findings ng minorya sa isinagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kung saan may pananagutan umano si da¬ting Speaker Martin Romualdez sa flood control scam.
Kabilang sa anim na pumirma sa minority report ay ang nagtatagong si Sen. Dela Rosa.
Sa kabila nito, itinuring ni Sotto na basura ang minority report at maituturing na press release lamang ng anim na senador na pumirma rito.
Aniya, unang isinumite sa kanyang opisina ang minority report pero hindi inaksiyunan ng kanyang opisina dahil sa palpak na proseso.
Ipinaliwanag ni Sotto na kailangang matapos muna ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa isyu ng flood control scandal saka maglalabas ng committee report ang chairman na si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson.
Kapag ipinasok na sa plenaryo ng Senado ang committee report, saka pa lamang maaaring gumawa ng minority report ang mga miyembro ng minority sa Senado.
Nauna nang sinabi ni Lacson na pambabastos ang ginawa nina Sen. Marcos at Marcoleta.








