
Iginiit ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na ang kumpiyansa ng House prosecution team sa posibleng paghatol kay Vice President Sara Duterte sa impeachment trial ay nakabatay sa mga ebidensyang ihaharap sa Senado, at hindi sa anumang pagbabago sa liderato ng mataas na kapulungan.
Sa isang news forum nitong Sabado, sinabi ni Ridon na hindi nakakaapekto sa kanilang determinasyon ang mga kaganapan sa Senado, kabilang ang reorganisasyon ng pamunuan at pag-upo ni Senador Sherwin Gatchalian bilang bagong Senate President Pro Tempore.
Ayon kay Ridon, hindi numero o political dynamics sa Senado ang pinagbabatayan ng kanilang kumpiyansa sa kaso.
Giit niya, ang lakas ng kanilang paninindigan ay nakasalalay sa mga ebidensyang kanilang isusumite sa impeachment proceedings.
Dagdag pa ng mambabatas, ang layunin ng prosecution team ay maipakita sa paglilitis ang sapat at matibay na batayan upang mapatunayan ang mga paratang ng katiwalian at paglabag sa Konstitusyon laban sa bise presidente.
Patuloy namang inaasahan ang pag-usad ng impeachment proceedings sa Senado sa mga susunod na pagdinig.










