Inihayag ng National Tobacco Administration (NTA) na handa na itong ipamahagi ang P100 million crop production grant sa mga kuwalipikadong tobacco farmers sa buong bansa.
Ayon sa NTA, 16,666 tobacco farmers ang natukoy na recipients ng cash assistance na nagkakahalaga ng P6,000 bawat isa, na ibibigay bago o sa December 15, 2024.
Saklaw ng cash aid ang production ng tobacco farmer-recipient sa cropping year 2024-2025, na nagsimula noong September 2024 at magtatapos sa June 2025.
Ayon sa NTA, ang mga recipients ay tinukoy ng mga sangay ng ahensiya base sa itinakdang guidelines at inaprubahan ng NTA Governing Board.
Idinagdag pa ng NTA na ang kabuuang 16,666 recipients ng cash assistance, 9,055 na mga magsasaka ang nasa ilalim ng Tobacco Contract Growing System (TCGS) program ng NTA, at ang 7,611 ay non-TCGS farmers.
Sa ilalim ng TCGS program, dapat na nakapagtanim ang farmer-recipient sa isang ektaryang lupain at wala pang isang ektarya.
Samantala, ang non-TCGS farmer recipients ay nakapagtanim ng tobacco sa kalahating ektarya na lupain at mas mababa, kapwa sa cropping years 2023-2024 at 2024-2025.
Sinabi ng NTA na ang mga beneficiaries sa cash assistance ay kailangan na registered tobacco farmers sa ahensiya at may sinasaka na tobacco farm na may kakayahan na magkaroon ng sapat na labor para sa lahat ng aktibidad sa quality production, may basic farm tools at equipment, may sapat na sources ng magandang kalidad ng irrigation water at angkop para sa tobacco production.
Ayon pa sa NTA, bago ibigay ang grant, titiyakin ng NTA branch offices na ang mga recipient ay makakatugon sa lahat ng requirements at sigurado na magtatanim ng tabako sa darating na planting season.
Narito ang bilang ng mga recipient ng cash aid bawat NTA branch office:
Abra – 992 tobacco farmers
Batac (Ilocos Norte) – 2,778 farmers
Cagayan – 700 farmers
Candon (Ilocos Sur) – 2,573 farmers
Isabela – 2,925
La Union – 1,667
Mindanao – 1,666
Pangasinan – 1,765
Vigan (Ilocos Sur) – 1,600
Ayon pa sa NTA, nagsimula na silang magbigay ng P6,000 production assistance sa mga qualified tobacco farmers para sa cropping year 2023-2024.