Ginisa ng House Quinta Committee o mas kilala sa Murang Pagkain Super Committee ng Kamara ang ilang importers na inaakusahan na sangkot sa price manipulation.

Sa imbestigasyon ng komite, sinabi ni House Quinta Committee Chairman at Albay Rep. Joey Salceda na mas tinutukan nila ang importers dahil dito nakita ang posibleng sabwatan kaya nagkaroon ng pagtaas ng retail prices.

Ang quinta-panel ay binubuo ng Committees on Ways and Means, Trade and Industry, Agriculture and Food, Social Services at Special Committee on Food Security.

Kabilang sa top rice importers na ginisa ng Kamara ay ang Bly Agri Venture Trading, Atara Marketing Inc., Orison Free Enterprise Inc., Macman Rice and Corn Trading, King B Company, Sodatrade Corp., Lucky Buy and Sell, Vitram Marketing Inc., Nan Stu Agri Traders at RBS Universal Grains Traders Corp.

Ang imbestigasyon ng Kamara ay resulta ng hindi pa rin pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado sa kabila ng pagbaba ng rice tariffs mula 35% patungo sa 15% sa ilalim ng Executive Order 62 na ipinalabas ni Pangulong Bongbong Marcos noong June 2024.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ni Salceda na kanilang lalaliman pa ang imbestigasyon.

Inatasan nito ang Bureau of Internal Revenue(BIR) na tignan ang tax payments ng mga rice importers.

Nagbanta si Salceda na maaaring kasuhan ng tax evasion ang importers.

Matapos ang mga importers, sunod na ipatatawag ng komite ang mga malalaking retailers at malalaking wholesalers.

Nakatakda ding magsagawa ng executive session ang komite sa Department of Agriculture bukas para talakayin ang ginagawang hakbang ng ahensya laban sa price manipulation.