Arestado ang dalawang tinaguriang provincial top most wanted at 15 iba pa sa isinagawang manhunt operation ng PNP Cagayan kahapon.
Unang naaresto ang number 6 most wanted person sa provincial level sa bayan ng Lasam dahil sa kasong statutory rape, kung saan walang inirekomendang piyansa ang korte.
Sumunod naman ang number 7 most wanted sa bayan ng Iguig dahil sa kasong rape na walang piyansa.
Naaresto naman sa bayan ng Santa Teresita ang lalaki na may kasong paglabag sa RA 10883 o Anti-Carnapping Law, at may inirekomendang piyansa na P300,000.
Illegal possession of firearms naman ang kaso ng naaresto sa bayan ng Sto. Niño na may piyansa na P120,000.
Tatlo naman ang naaresto dahil sa kasong estafa, dalawa sa bayan ng Baggao at isa sa Tuguegarao City.
Lima ang naaresto sa kasong coercion sa bayan ng Peñablanca.
Pagnanakaw naman ang kaso ng naaresto sa bayan ng Solana.
Nahuli naman ng mga pulis sa Santa Ana ang akusado na may kasong frustrated murder, habang child abuse ang isinampang kaso laban sa isang lalaki na naaresto sa Baggao.
Nahaharap din sa kasong may paglabag sa RA 9262 o Violence Against Women and Children ang akusado na naaresto ng PNP, at qualified theft ang isa pang akusado na nahuli ng mga pulis ng lungsod ng Tuguegarao.