Ipatutupad na simula mamayang hating-gabi ang total lock-down sa bayan ng Baggao bilang bahagi ng enhanced community quarantine para maiwasan ang pagkalat ng corona virus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Mayor Joan Dunuan na ang lockdown ay nangangahulugan ng pagbabawal sa pagbiyahe at wala nang makakapasok o makakalabas sa lugar maliban na lamang sa mga exemptions sa ilalim ng community quarantine tulad ng emergency cases, pagbili ng pagkain at iba pa.
Aniya, ang naturang hakbang ay bilang paglilimita sa galaw ng mga tao upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na virus.
Sa ngayon nananatiling COVID free ang bayan ng Baggao habang mayroong apat na persons-under-investigation at inaantay pa ang resulta ng kanilang mga laboratory test.
Kaugnay nito, umapela si Dunuan sa mga residente na sumunod sa mga umiiral na protocols para mailayo sa nasabing nakamamatay na virus.