Tuguegarao City- Isinailalim na sa total lockdown ang bayan ng Conner matapos maitala ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa probinsya ng Apayao.

Kaugnay nito ay nagpalabas ng Executive Order si Municipal Mayor Martina Dangoy bilang bahagi ng pag-iingat na hindi kumalat ang virus sa lugar.

Sa ilalim ng EO No. 24 ay hindi pinapayagang lumabas at pumasok sa lugar ang mga residente kasama na ang mga mga authorized person outside residence.

Tanging mga barangay officials lamang ang maaaring lumabas at bumili ng mga pangunahing pangangailangan ng kanilang mga residente upang maka-iwas sa pagkukumpulan.

-- ADVERTISEMENT --

Nakasaad din sa naturang kautusan na dapat ay sumailalim sa mandatory home quarantine ang lahat ng residente upang makaiwas sa banta ng COVID-19.

Ginawa ang nasabing kautusan matapos ang kumpirmasyon na isang doktor mula sa nasabing lugar ang nagpositibo sa virus na dulot ng COVID-19.