TUGUEGARAO CITY- Isinailalim sa total lockdown simula ngayong araw na ito ang tatlong barangay sa bayan ng Lallo, Cagayan.
Ginawa ni Mayor Florence Oliver Pascual ang lockdown sa mga barangay ng Cullit, Naguilian at Rosario matapos na magpositibo ang isang 21 years old na residente mula sa Naguilian.
Ang 21 anyos na pasyente ay galing ng Pasay City at umuwi sa Cagayan sa ilalim ng “Balik Probinsiya” program.
Kaugnay nito, sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng Cagayan Valley Medical Center na nasa covid ward na ang pasyente at isa pa na mula naman sa bayan ng Alcala na kapwa asymptomatic sa virus.
Sinabi naman ni Mayor Cristine Antonio ng Alcala na maging ang asawa ng lalaki na nagpositibo sa virus ay nagpositibo rin sa rapid test.
Gayonman, ang babae ay nasa strict home quarantine.
Samantala, ipinag-utos na rin ni Mayor Darwin Estañero ng Tabuk City ang five days na lockdown sa mga barangay ng Bulanao North, Bulanao Centro at Laya East matapos na isang residente na galing din sa Manila ang nagpositibo sa covid-19.
Sa ngayon ay nagsasagawa na rin ng contact tracing ang mga kinauukulan sa mga nakasalamuha ng mga nasabing pasyente.