TUGUEGARAO CITY-Nagbigay ng babala ang Department of Tourism (DOT) na magsasampa ng reklamo ang kagawaran laban sa mga indibidwal na mahuhuling namemeke ng resulta ng kanilang RT-PCR test para makapasok sa mga tourist destination sa bansa.
Ayon kay Tourism Sec.Bernadette Romulo-Puyat, inatasan ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na habulin ang mga namemeke ng resulta ng kanilang swab test at ang mga gumagawa ng pekeng serpikasyon.
Aniya, mayroon na silang kinasuhan na nameke ng swab test result para lang makapasok sa isla ng boracay kamakailan.
Sinabi ni Puyat na sinisikap ng pamahalaan na mababa ang bilang ng kaso ng covid-19 sa bansa para muling makabangon ang ekonomiya lalo na sa sektor ng turismo kung kaya’t mahigpit ang kanilang monitoring sa mga turistang nais pumunta sa mga tourist destination.
Kaugnay nito, hiningi ni Puyat ang pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan sa kanilang mga nasasakupang lugar na maging mahigpit sa mga ipinapatupad na health protocols.
Pinayuhan naman ng kalihim ang publiko lalo na ang mga nais mamasyal sa ibang lugar na maging responsable at sundin ng maayos ang mga hinihinging dokumento ng mga pook pasyalan para matiyak na hindi carrier ng virus upang maiwasan ang hawaan ng nakamamatay na sakit.
Samantala, sinabi ni Puyat na nasa 4.8 million na indibidwal ang naapektuhan dahil pandemya sa sektor ng Turismo kung saan karamihan ay nawalan ng trabaho.
Dahil dito, gumagawa na ng kaukulang hakbang ang ahensya para matulungan ang mga labis na naapektuhan ng krisis pangkalusugan.