Ipinagmalaki ni Department of Tourism (DOT) Regional Director Alexander G. Miano ng Region 2 ang malaking pagtaas ng tourist arrivals sa rehiyon, kung saan umabot ng 57% ang increase sa bilang ng mga turista, at tumaas din ng 13% ang bilang ng mga same-day travelers.
Ayon kay Miano, may dalawang uri ng turista na bumibisita sa rehiyon.
Aniya, ang una ay ang tinatawag na same-day travelers, mga turista na hindi nag-oovernight at dumadaan lamang sa lugar, namamasyal, at pagkatapos ay uuwi na.
Ang ikalawa ay ang mga overnight tourists, mga turistang nananatili sa mga pasilidad at hotel ng rehiyon.
Mula noong 2023 hanggang 2024, tumaas ng 13% ang bilang ng mga overnight tourists, na umaabot sa humigit-kumulang 1.1 milyong katao.
Samantalang ang same-day travelers ay tumaas ng 57%, umaabot sa 5.4 milyong tao.
Isa ring dahilan ng pagdami ng mga turista sa rehiyon ay ang mga dumadayong bisita mula sa iba’t ibang lugar upang matunghayan ang isang uri ng ibon na matatagpuan sa bayan ng Baggao.
Bukod dito, maraming mga turista rin ang bumibisita upang tikman ang pinagmamalaking pancit ng Cagayan, na isang kilalang delicacy sa lugar.
Ipinaliwanag ni Miano na ang malaking pagtaas ng bilang ng mga turista ay resulta ng maayos na pagtutulungan ng iba’t ibang sektor, kabilang ang mga lokal na pamahalaan, Department of Tourism, mga tourism frontliners, mga stakeholders, at ang mga mamamayan na nagpasyang magtangkilik at magtungo sa Cagayan at mga karatig na lugar.
Dagdag pa niya, ang tagumpay na ito ay patunay ng patuloy na pagsusumikap at kooperasyon ng lahat ng sektor upang mapalago ang industriya ng turismo sa rehiyon at matulungan ang mga komunidad na makinabang mula sa mga biyayang hatid ng sektor na ito.