Nagtamo ng black-eye ang isang traffic enforcer matapos na atakihin umano ng sinita niyang driver ng pampasaherong jeep sa lungsod ng Tuguegarao.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo, sinita ng traffic enforcer na si Philip Agustus Pintucan, residente ng Barangay Tanza ang suspek na driver ng pamapasaherong jeep na si Rodel Manuel, residente sa bayan ng Sto. Niño dahil sa pagbababa ng kanyang pasahero sa ipinagbabawal na lugar sa Barangay Buntun.

Subalit matapos mahingan ng lisensya at habang kinukuha para isulat ang plate number upang tiketan ay bigla umanong pinatakbo ng suspek ang kanyang sasakyan kung saan muntik nang mabangga ang enforcer na nasa harapang bahagi.

Binalikan pa umano ito ng driver na nauwi sa mainitang pagtatalo ng dalawa na nagresulta sa panununtok sa enforcer sa kanyang mukha at katawan.

Kaagad namang nagpa-blotter sa pulisya ang biktima na desididong magsampa ng kaso.

-- ADVERTISEMENT --

—with reports from Bombo John Andrew Caronan