Target ngayong taon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mabilis na implementasyon ng modernisasyon ng transportation system sa lambak ng Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Edward Cabase, regional director ng LTFRB na may mga inumpisahan nang hakbang ang ahensiya, katuwang ang Department of Transportation tungo sa pagbabago sa sistema ng transportasyon sa rehiyon.
Dagdag pa niya na mas lalo pang paiigtingin ng LTFRB ang mga operasyon sa anti-colorum campaign, paghuli sa mga nagmamaneho na nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin at iba pa.
Tiniyak ni Cabase na lalabanan niya ang korapsyon sa pribado man o pampublikong transportasyon, maging sa mga empleyado ng ahensiya na maaaring makaapekto sa pagpapabuti sa transportation system.
Hinikayat din niya ang publiko na suportahan ang mga programa ng ahensiya tungo sa mas ligtas, maginhawa, kumportable at maayos na pampublikong transportasyon.