Muling hinikayat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 ang publiko na ipagdiwang ang Valentines Day sa pamamagitan ng pagyakap sa mga puno upang isulong ang pagmamahal at pangangalaga sa kalikasan.

Ayon kay Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan ng DENR-RO2, ang tree-hugging campaign ay naglalayong isulong ang kahalagahan ng pag-aalaga sa kagubatan at ang benepisyo na makukuha ng tao mula sa pag-aalaga ng mga puno at pagprotekta sa mga kagubatan.

Bukod dito ay layunin din nito na itaas ang kamalayan ng publiko sa climate change at bilang alternatibong paraan ng pagdiriwang ng Valentines Day sa pamamagitan ng pagpapahayag ng pagmamahal at pangangalaga sa kapaligiran sa pamamagitan ng pagyakap sa mga ito.

Ang tree hugging campaign, ay nagmula sa Chipko Movement noong 1970’s sa India kung saan binibigyang diin dito ang ugnayan ng mga tao at kalikasan.

Isasagawa ang tree hugging campaign kasabay din ng ilulunsad na oplan baklas ng ahensiya para tanggalin ang mga campaign ads at materials na nakapako sa mga punong kahoy.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, kasabay nito ay bumuo ang DENR ng team na magsasagawa ng pagtanggal sa mga campaign materials ng mga pulitiko na ipinako sa mga punong kahoy.

Pangungunahan naman ng PENRO at CENRO ang pagtanggal ng mga campaign materials na nakasabit sa mga puno sa ibat ibang bahagi ng rehion dos.

Ayon kay Bambalan na ibibigay nila sa Comelec ang mga tatanggalin na mga campaign posters para sa mga kaukulang legal na hakbang dahil isang election offense ang paglalagay ng campaign materials sa mga lugar na hindi tinukoy bilang common poster areas ng mga election officers.

Kaya naman umapela si Bambalan sa mga pulitiko at supporters ng mga ito na sumunod sa mga alituntunin at iwasang magpako ng campaign materials sa mga punong kahoy para hindi masaktan ang mga ito na maaaring ikamatay ng isang puno.