
Hinimok ni dating senador Antonio Trillanes IV si Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero na bigyang-prayoridad ang paglalahad ng ebidensya kaysa mga technicality sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ginawa ni Trillanes ang pahayag matapos alisin ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga testigong ihaharap ng prosecution. Ayon sa kaniya, siya mismo ang humiling na alisin ang kaniyang pangalan matapos niyang maramdaman na hindi siya welcome sa impeachment court dahil hindi naglabas ng subpoena si Escudero.
Kinuwestiyon din ni Trillanes ang pagpapaliban sa pagtestigo ng Anti-Money Laundering Council Executive Director Ronel Buenaventura, matapos pagbigyan ni Escudero ang hiling ng depensa para sa karagdagang panahon sa paghahanda.
Ayon kay Trillanes, dapat nakatuon ang impeachment court sa paghahanap ng katotohanan at hindi tratuhin ang paglilitis na parang ordinaryong criminal trial.
Samantala, nagpapatuloy ang presentasyon ng prosecution ng ebidensya para sa Article 2 ng impeachment case, na may kaugnayan sa alegasyon ng unexplained wealth, hindi umano wastong pagdeklara ng assets sa SALN, at hindi pag-divest sa mga negosyo.









