Naghain si dating Senator Antonio Trillanes IV ng drug smuggling case sa Department of Justice kaninang umaga laban kina Davao City First District Rep. Paolo “Pulong” Duterte, Atty. Mans Carpio – ang asawa ni Vice President Sara Duterte, dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon, at iba pang personalidad dahil sa umano’y pagkakasangkot sa P6.4 billion shabu shipment na nakumpiska noong 2017.
Kabilang din sa mga pangalan sa kaso ay sina Presidential Adviser on Indigenous Peoples’ Concerns Allen Capuyan, Davao City Councilor Small Abellera, Charlie Tan, at apat na iba pa.
Nag-ugat ang kaso sa insidente noong May 2017 kung saan 602.2 kilograms ng crystal meth na nagkakahalaga ng P6.4 billion na imported mula China sa pamamagitan ng express lane ng Bureau of Customs.
Matatandaan na sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, lumabas na ang kontrabando ay binigyan ng ‘green lane’ passage para makapuslit sa alert system ng Customs at hindi isinailalim sa inspeksion o document verification.
Sinabi ni Trillanes na nilabag ng 10 respondents ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Idinagdag pa ni Trillanes na patunay lamang ito na peke ang war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sila umano mismo ang protektor at ka-partner ng bigtime drug lords.