TUGUEGARAO CITY-Muling nakadiskubre ang tropa ng pamahalaan ng panibagong kuta o kampo ng rebeldeng New Peoples Army (NPA) sa bulubunduking bahagi ng Barangay Bural, Rizal, Cagayan.

Ayon kay Lt. Allen Tubojan ng 17th Infantry Battalion, Philippine Army, may lawak na 1,000 square meter ang nadiskubreng kuta ng NPA na may 40 bunkers.

Aniya, mas malawak ito kumpara sa unang nadiskubre na kampo ng mga makakaliwang grupo nitong araw ng Sabado kasabay ng 20 minuto na sagupaan ng magkabilang panig.

Sinabi ni Tubojan na may dalawa rin na kusina at social hall ang kampo na posibleng pagdadausan sana ng kanilang annibersaryo ngayong buwan.

Wala namang nakuhang anumang gamit ang tropa ng pamahalaan sa iniwang kampo ng mga rebelde.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, hinimok ni Tubojan ang mga aktibong miembro ng rebelde na sumuko sa pamahalaan para makamit ang kapayapaan na inaasam.

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang hot pursuit operation ng militar katuwang ang Philippine marines at PNP sa mga nakasagupang NPA.