Nagtapos na ang joint military exercise ng mga sundalong Pilipino at Australia sa Camp Melchor Dela Cruz Division Training School sa Gamu, Isabela.

Matatandaan na nagsimula ang joint military exercises noong Mayo 13, 2024 kung saan binubuo ito ng 50 sundalo mula sa 86th Infantry Battalion at 100 mula sa Australian Army troops.

Sinabi ni 5th Infantry Division Commander Major General Audrey Pasia na ang military exercise na tinawag na ‘Kasanga 01-2024’ ay naglalayong palakasin ang mga kakayahan ng militar at pagyamanin ang isang solidong alyansa sa pagitan ng Pilipinas at Australia.

Dagdag pa niya nagbahagi ang dalawang hukbo ng kani-kanilang mga taktika at pamamaraan sa mga military operations.

Nagtaguyod din ito ng mas malalim na pag-unawa at pagpapahalaga sa mga kultura at tradisyon ng magkabilang kampo.

-- ADVERTISEMENT --

Kasama sa pagsasanay ang jungle at urban operations, breaching operations, tactical casualty care, jungle survival, mortar at drone operations, logistics, signal operations, intelligence, surveillance at reconnaissance operations.

Inihayag pa ni Pasia na kasama sa pagsasanay ang pagtugon sa mga external security threats kung saan binigyang diin dito ang epektibong komunikasyon bilang fundamental role sa mga operasyong militar, lalo na sa fast-paced situations kung saan ang tumpak na komunikasyon ay mahalaga para sa kaligtasan, tagumpay, at kapakanan ng mga mandirigma

Dagdag pa niya na ang nasabing pagsasanay ay nagdagdag sa kaalaman at kasanayan ng mga kasundaluhan sa contemporary life-saving techniques at pain relief methods, combat shooting, at basic fire mission training.