Nagbanta si US President Donald Trump na targetin ang mga tulay, planta ng kuryente at iba pang mahahalagang imprastraktura ng Iran sa tuwing may aatakeng barko sa Strait of Hormuz. Kasunod ito ng banta ng grupong Houthis sa Yemen, na kaalyado ng Iran, na harangin din ang pagdaan ng mga oil shipment sa Bab el-Mandeb Strait, dahilan upang magbago ng ruta ang ilang oil tanker at tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Bilang tugon, sinabi ng isang opisyal ng militar ng Iran na gaganti rin ang Tehran sa mga imprastraktura sa rehiyon kung ipagpapatuloy ng Estados Unidos ang mga pag-atake. Samantala, patuloy ang palitan ng opensiba ng magkabilang panig, kabilang ang mga pag-atake sa mga pasilidad ng militar ng US sa Jordan, Bahrain at Kuwait.

Sa gitna ng tumitinding tensyon, sinabi ni US Secretary of State Marco Rubio, na nasa Maynila para sa pulong ng ASEAN Foreign Ministers, na hindi dapat payagang kontrolin ng Iran ang Strait of Hormuz dahil maaari itong magtakda ng mapanganib na halimbawa para sa ibang rehiyon, kabilang ang South China Sea. Samantala, patuloy ang usapin para sa pansamantalang tigil-putukan sa pagitan ng Washington at Tehran.