
Naglabas ng matinding banta si US President Donald Trump laban sa Iran kung saan binigyan niya ang Tehran ng dalawang araw para muling buksan ang Strait of Hormuz o pupulbusin ng Amerika ang kanilang mga planta ng kuryente.
Sa kanyang post sa Truth Social, iginiit ni Trump na wawasakin ng militar ng Amerika ang mga power grid ng Iran, simula sa pinakamalaki, kung hindi ganap na papayagan ang pagdaan ng mga barko sa loob ng 48 oras.
Ang tensyong ito ay nag-ugat sa de facto blockade ng Iran sa naturang kipot, na dinadaanan ng 20 porsyento ng langis sa buong mundo, dahilan para pumalo ang presyo nito sa mahigit $100 kada bariles.
Bilang ganti, nagbabala ang militar ng Iran na tatargetin din nila ang mga energy at desalination infrastructure ng Amerika sa rehiyon kung itutuloy ni Trump ang kanyang banta.
Sa kabila ng paghataw ng presyo ng krudo at bilihin, minaliit ni Trump ang estratehikong halaga ng Strait of Hormuz sa US at sinabing ang mataas na halaga ng langis ay “maliit na sakripisyo” para sa pandaigdigang seguridad.
Sa ikatlong linggo ng digmaan na inilunsad ng US at Israel, umabot na sa mahigit 1,500 ang namatay sa panig ng Iran habang 13 naman sa mga sundalong Amerikano.










