Bumaba ang trust ra­tings nina Pang. Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte sa idinaos na survey ng Social Weather Stations (SWS), na inisponsoran ng Stratbase Consultancy, noong Enero 2025.

Mula sa 54% noong Disyembre 2024, bumaba ng apat na puntos ang trust ratings ni Pang. Marcos sa 50% na lamang noong Enero 2025.

Samantala, mula sa 52% noong Disyembre ay lumagapak sa 49% ang trust ratings ni VP Sara.

Ayon kay Stratbase Institute president Prof. Dindo Manhit, ang pagbaba ng ratings ng Pa­ngulo ay may kinalaman sa inflation o patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.

Samantala, sinabi rin ni Manhit na ang pagbaba naman ng ratings ni VP Sara ay direktang may kinalaman sa hindi pa nasasagot na katanungan hinggil sa paggamit niya ng milyun-milyong confidential funds ng kanyang tanggapan.

-- ADVERTISEMENT --

Ang survey ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa may 1,800 registered voters nationwide mula Enero 17 hanggang 20.

Gamit ang weighted area estimates base sa 2023 Project of Precincts data ng Commission on Elections (Comelec), tinanong ang mga respon­dents na bigyan ng grado ang kanilang tiwala sa iba’t ibang personalidad sa scale na “very much” hanggang “very little.”