Pumanaw na si Councilor Lope Apostol Jr. ng 10th City Council ng lungsod ng Tuguegarao.

Kaugnay nito, nag-alay ng taimtim at taos-pusong panalangin ang mga kawani ng Pamahalaang Panglungsod ng Tuguegarao sa pangunguna ni City Mayor Maila Rosario S. Ting-Que, bilang pagbibigay-pugay at paggunita sa maagang pagpanaw ni Apostol Jr., kasabay ng flag raising ceremony ngayong kaninang umaga.

Ipinahayag ni Mayor Maila ang kanyang taos-pusong pakikiramay sa naiwang pamilya, mga kaibigan, at mahal sa buhay ng yumaong konsehal.

Aniya, ang biglaang pagpanaw ni Konsehal Lope ay isang mabigat na pagkawala hindi lamang sa Sangguniang Panlungsod kundi sa buong lungsod na kanyang tapat na pinagsilbihan.

Si Lope Apostol Jr., ay isa sa mga bagong halal na miyembro ng 10th City Council nitong nakaraang eleksyon.

-- ADVERTISEMENT --

Bagamat maikli ang panahong inilaan niya sa kanyang tungkulin bilang konsehal, ang kanyang malasakit, dedikasyon, at hangaring makapaghatid ng tunay na serbisyo ay iniukit na sa puso ng mga Tuguegaraoeño.

Ang kanyang alaala ay mananatiling buhay at patuloy na magsisilbing inspirasyon sa bawat lingkod-bayan.

Sa mga oras ng dalamhati, buong pagkakaisang nananalangin ang bawat isa para sa kapayapaan ng kanyang kaluluwa at lakas ng loob para sa mga naulila.