Nagsagawa ng pagpupulong ang Tuguegarao City Disaster Risk Reduction Management Council bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Kristine.

Dinaluhan ng mga punong barangay sa lungsod ang naturang pagpupulong na pinangunahan ni City Disaster Risk Reduction Management Officer Dr. Roderick Ramirez.

tinalakay sa naturang emergency meeting ang mga hakbang na ipatutupad tulad ng pre-positioning ng mga relief packs at paghahanda sa evacuation centers, pagpuputol ng mga sanga ng puno na sagabal sa daan, paglilinis ng stero o iba pang daluyan ng tubig at ang malakawakang information dissemination upang maging updated ang mga tao sa bagyo.

Kahapon ay nagsagawa ng paglilinis ang mga opisyal at residente ng ilang barangay sa lungsod sa mga baradong kanal sa kanilang nasasakupan, upang maiwasan ang pagbara ng daluyan ng tubig na nagdudulot ng pagbaha tuwing may malakas na ulan.

Bukod sa paglilinis sa mga kanal ay nagsagawa rin ang mga ito ng pagputol sa mga sanga ng punong-kahoy sa gilid ng daan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa pagtaya ng state weather bureau, tinutumbok ng bagyong Kristine ang bahagi ng northern Luzon kung saan kung hindi magbabago ang galaw nito ay posibleng tumama o mag-landfall sa Cagayan Valley pagsapit ng Biyernes na may typhoon intensity.

Babala ng state weather bureau na posibleng maranasan ang “heavy to intense” rainfall o malakas na pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.