Hinamon ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting Que si UP Professor Chester Cabalza na ilabas niya ang mga ebidensiya sa kanyang isiniwalat na ‘degree for sale’ sa St. Paul University sa lungsod.

Sinabi ni Que na nakakatawa at nakakagalit ang sinabi ni Professor Cabalza na nagbabayad ng hanggang P2M ang mga Chinese students sa SPUP para makakuha ng degree kahit hindi sila pumapasok sa nasabing Unibersidad.

Binigyan diin ni Que na dapat na kaakibat ng alegasyon ay may ebidensiya para hindi naman ito unfair sa nasabing eskwelahan na matagal na inalagaan ang kanilang reputasyon at kredibilidad na sumusunod naman sa mga patakaran ng Commission on Higher Education.

Idinagdag pa ni Que na bahagi din ito ng internationalization program ng Higher Education Institutions.

Hinamon din ni Que si Congressman Joseph Lara na ilabas ang source ng sinabi niyang may 4,600 na bilang ng Chinese students sa isang Unibersidad sa lungsod.

-- ADVERTISEMENT --

Gayonman, sinabi ni Que na sinimulan na nila ang pagkuha ng bilang ng mga dayuhan na nasa lungsod hindi lamang mga Chinese kundi iba pang nationalities maging ang galing sa ibang lugar sa Pilipinas.