Nagpapasalamat si dating Police Deputy Director General at dating Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano matapos silang ipawalang-sala ng Sandiganbayan sa umano’y maanomalyang pagbili ng dalawang second-hand na helicopter noong 2009.

Bukod kay Soriano kabilang din sa inabsuwelto si dating PNP chief Jesus Verzosa at walong iba pang pulis sa kasong graft.

Sinabi ni Soriano na masaya siya dahil sa matapos ang 12 taon ay napatunayan na wala silang pagkakasala sa nasabing usapin.

Ayon sa kanya, ilang taon din na hindi siya nakadalo sa mga hearings sa nasabing kaso dahil sa nakaupo siya noon na mayor at nang matalo siya noong 2022 ay wala siyang naging pagliban sa hearings.

Si Soriano ang chairman ng Bids and Awards Committee ng PNP sa nasabing panahon.

-- ADVERTISEMENT --

Magugunitang taong 2009, bumili si Verzosa, at ang mga kapwa akusado ng tatlong helicopter kung saan nakita ng mga tagausig na ang dalawa ay pagmamay-ari ni dating First Gentleman Mike Arroyo kung saan nag-overpay umano ang PNP ng P34 million.

Samantala, sinabi ni Soriano na naghahanda sila para sa isasagawang national sports summit dito sa lungsod ng Tuguegarao sa August 23 hanggang 24.

Ayon sa kanya, ito ang kauna-unahan na sports summit sa Luzon na dadaluhan ng ilang opisyal ng Philippine Sports Commission, ilang international olympians at maraming iba pa.