Inalerto ng Pamahalaang Panglungsod ng Tuguegarao ang mga residente sa posibleng pagbaha na bunsod ng naranasang pag-ulan na dulot ng bagyong Enteng.

Ayon kay City Mayor Maila Ting-Que, bagamat humupa na ang epekto ng bagyo ay patuloy namang tumataas ang water level sa Cagayan river na galing sa Isabela.

Dahil dito, inalerto na ng alkalde ang mga kaukulang ahensya at mga residenteng posibleng makaranas ng pagbaha sa mababang lugar malapit sa ilog.

Simula kagabi ay pansamantalang isinara sa motorista ang kalsada sa Bonifacio Extension corner Pinacanauan Nat Tuguegarao Avenue dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig sa Pinacanauan River at Cagayan River na umabot na sa 5.6 meters bandang alas 11:00 kagabi.

Itataas naman sa alarm level warning ang Buntun Bridge kapag umabot na sa 8 meters ang lebel nito habang critical level naman kapag 11 meters.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nagpalabas ng abiso ang pamunuan ng Dam and Reservoir Division sa posibleng pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam ngayong araw bandang alas 2:00 ng hapon.

Isang gate ang inaasahang bubuksan ng isang metro at tinatayang 150 cubic meters per second ang pakakawalang tubig na posibleng madagdagan depende sa lakas ng ulan sa Magat Watershed.

Sa ngayon ay may pasok na sa lahat ng antas sa lalawigan ng Cagayan.