Nakatakdang ipatawag ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que ang mga miembro ng Market Committee na kaniyang pinamumunuan bilang chairman para talakayin ang pangangalap ng mga kaukulang datus para sa pagbibigay ng partial acceptance certificate para muling mabuksan at magamit ng mga vendors ang bagong tayong Tuguegarao City Don Domingo Public Market.

Ang hakbang na ito ay matapos na iminungkahi sa nakalipas na regular session ng sanguniang panlungsod na maaaring magbigay ng partial acceptance ang local chief executive sa contractor kung higit 90 percent na ang natatapos para maiturnover na ang proyekto sa city government at mapakinabangan na ng mga tindera.

Subalit, inihayag ni Mayor Ting-Que na kailangan na maipresenta ang ginawang feasibility study at ang ipinasang ordinansa patungkol sa proyekto para maging basehan sa mga magiging occupant kasama ang stalls na o-okupahin para maging patas sa pagtanggap ng mga magrerenta.

Una rito, sinabi ni Vice Mayor Bienvenido De Guzman na prayoridad ang mga na-displaced na mga tindera noong gibain ang lumang Don Domingo ublic Market.

Sinabi pa ni Que na kailangan ng nakalatag ang ordinansa kaugnay sa rental fee ng bawat stall.

-- ADVERTISEMENT --

Sa nakalipas na regular session, inatasan ng konseho ang city treasury office na bumalangkas ng proposal para sa magiging rental fee.

Nilinaw ni Que na nakahandang magbigay ng partial acceptance certificate ang kaniyang opisina basta baguhin ang terms and conditions sa contractor para maitugma sa panuntunan ng Commission on Audit na kailangan kailangan pa rin na mag-umpisa ang warrant kung fully completed na ang proyekto.

Ibig sabihin kung mayroong masira habang ginagamit na ito ng mga occupants ay kailangan na kumpunihin ito ng contractor sa kanilang gastos kung nabigyan sila ng partial acceptance certificate ng city government.

Ayon kay Mayor Que na ito ang mga bagay nan ais niyang malinawan at tatalakayin kung mag-convene ang market committee ng pamahalaang panlungsod kung saan umaasa siya na mabibigyan siya ng ginawang feasibility study para mayroon silang basehan sa mga gagawing hakbang para din sa kapakanan ng mga vendors.

Nabatid na mayroong 904 stalls ang bagong tayong Don Domingo Public Market na pinondohan ng P416 million kung saan ang P400 million ay inutang ng nakalipas na administrasyon.

Nagsimula na rin umanong magbayad ang pamahalaang panglungsod ng nasabing loan sa halagang P4 million bawat buwan sa loob ng 15 taon.
Sinimulan ang konstruksiyon ng proyekto noong 2020 kung saan naantala ito dahil sa covid 19 pandemic.

Sa naunang panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Vice Mayor De Guzman na muling humingi ng extension ang contractor ng hanggang sa katapusan ng buwan ng Nobyembre ngayong taon para makompleto ang proyekto.