TUGUEGARAO CITY-Umaabot sa P1.6milyon ang naipamahaging tulong pinansyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga labis na naapektuhan ng pandemya sa probinsya ng Quirino.
Ayon kay Chester Trinidad, tagapagsalita ng DOLE-Region 02, nasa kabuuang 200 ang naging benipisaryo mula sa iba’t-ibang programa ng ahensya.
Aniya, 17 benipisaryo ang nakatanggap ng tig-P10,000 mula sa “AKAP program”, 19 sa programang “ Balik Pilipinas, Balik Hanapbuhay program kung saan nakatanggap sila ng P5,000 hanggang P20,000 habang apat na estudyante na anak ng mga Overseas Filipino Workers na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya ang nabigyan ng scholarship na nagkakahalaga ng P30,000 sa pamamagitan ng “Tabang OFW Program” at mga benipisaryo ng “Tupad Program na nakatanggap ng tig-P5,500.
Sinabi ni Trinidad na hanggang ngayon ay patuloy ang implementasyon sa mga nabanggit na programa ng ahensiya para matiyak na mabigyan ng tulong pinansyal ang mga labis na naapektuhan ng pandemya na dulot ng covid-19.
Kaugnay nito, nanawagan si Trinidad sa lahat ng mga benipisaryo na gamitin sa tamang paraan ang mga natanggap na tulong para sa kanilang unti-unting pagbangon laban sa krisis na nararanasan.
Samantala, sinabi ni Trinidad na lahat ng probinsya sa rehiyon ay makakatanggap ng kaparehong tulong kung kaya’t maghintay lamang ang iba dahil maaaring hindi pa naibababa ang kanilang pondo mula sa central office.