Muling maglalaban sa 2025 midterm elections ang dynasties sa Davao City matapos na muling buhayin ng Nograles ang tunggalian sa mga Duterte sa pagsisikap na tapusin na ang pamumuno ng pamilya sa Davao City sa loob ng halos apat na dekada.
Nagbitiw si Karlo Nograles bilang chair ng Civil Service Commission (CSC) noong Lunes, nang ihain ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang kandidatura at tatakbo muli na alkalde sa Davao City.
Naging tahimik si Nograles sa kaniyang plano hanggang sa huling paghahain ng certificate of candidacy kahapon, nang ihain niya ang kanyang mayoralty candidacy at idineklara ang kanyang hamon kay Duterte.
Sinabi ni Nograles na hindi sila dynasty na humahamon sa dynasty sa bagong kabanata ng tunggalian ng Nograles at Duterte na nagsimula noon pang 1992 sa halip ay isa umano itong pagpili para sa mga mamamayan ng Davao City at para sa isang pagkakataon na mabago ang kanilang buhay.
Samantala,naghain ng kanyang kandidatura ang kanyang kapatid na si PBA (Puwersa ng Bayaning Atleta) party list Rep. Margarita “Migs” Nograles bilang kinatawan ng unang distrito, at hinahamon ang incumbent congressman na si Paolo, ang panganay na anak ni dating Pangulong Duterte.
Kabilang din sa naghain ng COC para sa unang distrito ng Davao City si Maria Victoria Maglana, isang peace advocate.
Okupado ng pumanaw na si Speaker Prospero Nograles ang unang distrito sa mga nakalipas na taon, maliban lang sa isang termino na nanalo ang nakatatandang Duterte noong 1998 matapos na iwan ni Nograles ang puwesto at tumakbo bilang mayor at umasa na maaagaw ito mula sa pamilya Duterte, subalit siya ay nabigo.
Maliban sa nasabing termino sa Kamara, naging mayor ng Davao si Duterte buhat noong 1988, nang isagawa ang unang local elections sa ilalim ni dating Pangulong Corazon Aquino.
Patuloy ang paghamon ng Nograles kay Duterte buhat noong 1992.
Noong 2010, si Sara Duterte, na ngayon ay Vice President.
Naisantabi ang tunggalian ng dalawang pamilya nang suportahan ng Nograles si Duterte nang tumakbo siya bilang pangulo ng bansa noong 2016.
Bago natapos ang kanyang termino sa Kongreso, nagsilbi si Karlo Nograles bilang Cabinet secretary ni Pangulong Duterte noong 2018, sumunod ay acting presidential spokesperson at ang huli ay CSC chair, na hinawakan niya maging sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos, bago siya nagbitiw noong Lunes.