Lumagda sa isang memorandum of agreement ang U.S. Embassy sa Pilipinas at pamahalaang panlalawigan ng Zamboanga del Sur para sa pagtatayo ng isang anti-terrorism hub sa Pagadian City.

Ang kasunduan ay nagkakahalaga ng P30.8 milyon o humigit-kumulang $500,000 para sa isang law enforcement training program. Sa ilalim nito, magtatayo ang U.S. Department of State Antiterrorism Assistance Program ng permanenteng training facilities at magsasagawa ng regular na specialized training para sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Zamboanga del Sur Governor Divina Grace Yu, makatutulong ang proyekto sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga law enforcers sa pagpigil at pagtugon sa mga banta ng terorismo, na inaasahang magpapahusay sa seguridad sa lalawigan, sa Mindanao, at sa buong bansa.

Sinabi naman ni U.S. Embassy Acting Senior Regional Security Officer Daniel Art na ipinakikita ng pamumuhunan sa Pagadian ang tiwala ng Estados Unidos sa kakayahan ng PNP at sa patuloy na pagpapalakas ng ugnayan ng dalawang bansa.

Ayon sa U.S. Embassy, mahigit 10,000 Filipino law enforcement personnel na ang sumailalim sa Antiterrorism Assistance training mula noong 2006. Tinatayang nasa 2,000 pulis at iba pang law enforcement personnel ang makikinabang sa bagong pasilidad bawat taon.

-- ADVERTISEMENT --