
Nagbabala si Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy na palalakasin ng Ukraine ang pag-atake nito sa mga oil refinery ng Russia bilang tugon sa umano’y bagong patakaran ng Moscow sa mas malawak na airstrikes laban sa Ukraine.
Ayon kay Zelenskyy, nakakuha ang intelligence agencies ng Ukraine ng mga dokumentong nagpapakitang naglabas si Russian President Vladimir Putin ng tinatawag na “new doctrine” na nagpapahintulot sa pag-atake sa mas maraming imprastraktura at pasilidad sa mga lungsod at kanayunan.
Sinabi ni Zelenskyy na layunin umano ng naturang operasyon na takutin ang mga residente at piliting lumikas mula sa Kyiv at iba pang lungsod.
Giit niya, tutugon ang Ukraine sa mga pag-atake sa kanilang energy infrastructure sa pamamagitan ng pagtama sa Russian oil refineries, na aniya ay pinagmumulan ng kita para sa pagpapatuloy ng giyera.
Gayunman, sinabi ni Zelenskyy na hindi target ng Ukraine ang mga sibilyan at hindi nito gagayahin ang umano’y pag-atake ng Russia sa civilian infrastructure.
Samantala, sinabi ng Russia na magpapatuloy ito sa tinatawag nitong retaliatory strikes bilang tugon sa mga pag-atake ng Ukraine.
Patuloy naman ang bakbakan sa silangang Donbas region, kung saan sinabi ni Zelenskyy na nabawi ng Ukraine ang nasa 140 square kilometers ng teritoryo sa isinagawang counteroffensive.









