Wala pang nakikitang katibayan ang pulisya na makapagsasabi na mayroong lalaking pagala-gala na umanoy nakahawak ng itak o tabas at pumapatay ng tao, naninira ng ari-arian at pananim sa bayan ng Solana.

Sa panayam ng Bombo Radyo, pinabulaanan ni PCAPT Gaudencio Pagulayan, deputy chief of police ng PNP-Solana ang mga kumakalat na impormasyon sa social media lalo na sa facebook dahil walang naire-report sa kanila kaugnay sa naturang mga alegasyon.

Unang kumalat na may isa umanong lalaki na gumagala sa Brgy. Maguirig at pinapara ang mga dumadaang motorsiklo tsaka pinagtataga, may hinagisan din daw ng buhangin na naka-motorsiklo, at pagsira sa pananim na mga mais.

Ngunit ayon kay Pagulayan, wala umano sa mga residente ang nakakita sa lalaking dinala ng mga Brgy officials ng Maguirig sa pulisya na gumagawa nito bagkus ay ibang tao daw ito.

Wala din daw nakuha sa kanyang tabas o anumang armas, taliwas sa kumakalat na post sa facebook.

-- ADVERTISEMENT --

Hinala naman ng pulisya, posibleng may problema sa pag-iisip ang naturang lalaki na galing Pangasinan at posibleng nagkamali ang bus sa ibinaba ito sa bayan ng Solana sa halip na Solano, Nueva Vizcaya.

Sa pagtatanong ng pulisya, sinabi nitong residente daw siya ng Tuao North na hindi naman sa lalawigan ng Cagayan bagkus ito ay Barangay sa bayan ng Bagabag, Nueva Vizcaya at ang pinakamalapit na terminal kung saan ito maaaring bumaba ay sa bayan ng Solano.

Samantala, nagkaroon din ng usap-usapan tungkol sa pagala-galang lalaki na may hawak na tabas sa Brgy Gadu at Bantay.

Sa Gadu, lumalabas na away sa lupa ang sanhi ng gulong nangyari kung saan pawang magkakamag-anak ang sangkot habang ang sinasabing itak na hawak ng lalaki ay kahoy na noon ay papunta sa sakahan para buksan ang patubig ngunit pinagbawalan umano siya ng kapitbahay na kanyang nakaalitan.

Lumalabas naman na prank lang ang nangyari sa Bantay kaugnay sa isang lalaki na nakahawak ng tabas ngunit para pala ito sa isang vlog content.

Bagaman wala pang malinaw na ebidensiyang magtuturo sa umanoy lalaking pagala-gala, pinayuhan ng mga otoridad ang publiko na maging alerto at i-report agad kung may tototong mapanganib na pangyayari.