
Tinawag na “outlandish” ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga paratang na may mass graves at mga bangkay na itinapon sa Davao City, kasabay ng pagkuwestiyon sa kredibilidad ng mga ebidensyang iniharap ng prosekusyon.
Ayon sa depensa, ang Count 1 ng kaso ay sumasaklaw lamang sa siyam na insidente ng pagpatay sa iisang lungsod, na anila’y hindi sapat upang patunayang naging malawakan o sistematiko ang umano’y pag-atake laban sa mga sibilyan.
Pinabulaanan din ng kampo ang alegasyon na may quarry site na ginamit bilang mass grave.
Iginiit ng depensa na nagkaroon ng sapat na panahon ang mga awtoridad sa Pilipinas upang magsagawa ng imbestigasyon, ngunit wala umanong natukoy na matibay na ebidensya.
Dagdag pa nila, ang isyu ay nakabatay lamang sa naging pahayag ni dating Senador Leila de Lima sa pagdinig ng Senado, at ang mga natagpuang labi ay posibleng mula pa sa mga sundalong Hapones noong World War II, hindi sa mga biktima ng sinasabing extrajudicial killings.
Binigyang-diin ng depensa na walang konkretong patunay na sumusuporta sa mga naturang alegasyon.










