Ipatutupad na ngayong Enero ang ikalawang bugso ng umento sa sahod ng mga kawani ng gobyerno.
Ito ay matapos pirmahan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang National Budget Circular No. 597 na naglalatag ng guidelines, rules and regulations para sa second tranche ng salary increase para sa government workers.
Ayon kay Pangandaman, umaasa ang kagawaran na malaking tulong ito na mapaganda ang kalidad ng pamumuhay ng mga manggagawa sa pamahalaan batay na rin sa pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa ilalim ng EO No. 64, apat na bugso ang magiging dagdag sahod ng mga manggagawa na nagsimula noong nakaraang taon at ipatutupad ang huling tranche sa January 2027.
Saklaw nito ang lahat ng civilian government personnel, mga manggagawa sa Constitutional Commissions at Constitutional Offices, State Universities and Colleges, at Government-Owned and Controlled Corporations.
Huhugutin naman ang pondo para sa salary adjustment ng civilian government personnel sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund habang sa corporate operating budgets naman kukunin ang para sa mga GOCC.