
Lumampas ng halos 20 milyon ang bilang ng cellular mobile connections sa Pilipinas kumpara sa kabuuang populasyon ng bansa noong Oktubre 2025, ayon sa Digital 2026 Philippines report ng DataReportal.
Batay sa ulat, umabot sa 137 milyon ang mobile connections sa bansa, katumbas ng 117 porsiyento ng tinatayang 117 milyong populasyon. Mas mataas ito ng apat na milyong koneksyon o tatlong porsiyento kumpara noong nakaraang taon, na nagpapakita na marami pa ring Pilipino ang gumagamit ng higit sa isang SIM card o mobile subscription sa kabila ng pagpapatupad ng SIM Registration Act.
Ipinakita rin ng ulat ang patuloy na paglago ng digital connectivity sa bansa. Umabot sa 98 milyon o 83.8 porsiyento ng populasyon ang internet users, habang nasa 95.8 milyon o 81.9 porsiyento naman ang social media user identities. Ito ang may pinakamabilis na paglago sa mga pangunahing digital indicators matapos madagdagan ng siyam na milyon o 10.3 porsiyento sa loob lamang ng isang taon.
Ayon sa DataReportal, hindi lahat ng social media user identities ay kumakatawan sa natatanging indibidwal dahil may mga gumagamit ng maraming account at mayroon ding mga account na pagmamay-ari ng mga organisasyon o negosyo. Tinatayang nasa 117 milyon ang populasyon ng Pilipinas noong Oktubre 2025, kung saan halos kalahati o 49.1 porsiyento ay naninirahan sa mga urban area.










