Nagsagawa ng emergency meeting ang International Maritime Organization (IMO) nitong Miyerkules upang talakayin ang proteksyon ng mga barko at seafarers na apektado ng digmaan sa Gitnang Silangan.

Sa dalawang araw na pulong sa London headquarters, inihayag ng IMO ang pangangailangan ng “practical measures” para mapanatiling ligtas ang pandaigdigang kalakalan sa dagat at mabawasan ang banta sa libu-libong stranded na barko at crew.

Maaaring bumoto ang 40-member council ng IMO ngayong Huwebes ukol sa ilang panukalang resolusyon, kabilang ang pagtatatag ng safe maritime corridor para sa ligtas na paglilikas ng mga stranded na seafarers at barko sa Persian Gulf.

Ayon sa IMO, kung maipasa man, mananatiling non-binding ang mga resolusyon, ngunit inaasahang magbibigay ng gabay sa aksyon para sa mga apektadong bansa at kompanya sa shipping.