Nanawagan si United Nations Secretary General Antonio Guterres ng agarang paghinto ng labanan at pagpapakalma ng tensyon sa Gitnang Silangan kasunod ng tumitinding sagupaan sa pagitan ng United States, Israel, at Iran.

Sa inilabas na pahayag nitong Sabado, kinondena ni Guterres ang paggamit ng puwersang militar ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran, gayundin ang ginawang pagganti ng Iran sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.

Aniya, ang mga hakbang na ito ay naglalagay sa panganib ng pandaigdigang kapayapaan at seguridad.

Binigyang-diin ni Guterres na dapat sundin ng lahat ng kasaping estado ng UN ang kanilang mga obligasyon sa ilalim ng pandaigdigang batas at ng UN Charter, na nagbabawal sa banta o paggamit ng puwersa laban sa teritoryal na integridad o kalayaang pampulitika ng alinmang bansa.

Nagbabala rin si Guterres na ang patuloy na labanan ay maaaring humantong sa mas malawak na digmaan sa rehiyon na magdudulot ng matinding epekto sa mga sibilyan at sa katatagan ng Gitnang Silangan.

-- ADVERTISEMENT --