Tuguegarao City- Mayroon nang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa lalawigan ng Kalinga.

Ito’y matapos na lumabas ang resulta ng isinagawang test sa 30-anyos na lalaki na residente sa Tabuk City na positibo sa virus.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dionica Allysa Mercado, tagapagsalita ng pamahalaang panlalawigan ng Kalinga na ang pasyente ay kabilang sa mga locally stranded individuals na napauwi sa ilalim ng ‘oplan padatong’ na inorganisa ng pribadong organisasyon.

Ayon kay Mercado, asymptomatic o walang nakitang sintomas ng virus sa pasyente na dumating sa lungsod noong Sabado, June 6 mula Metro Manila.

Una siyang nagpositibo sa rapid test na agad inilagay sa quarantine facilities at isinailalim sa swab test na natukoy na positibo sa virus.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay puspusan na ang contact tracing sa mga kamag-anak na bumisita sa pasyente at mga frontliners na nakasalamuha nito.

Samantala, dalawang mga bagong kaso rin ng COVID-19 confirmed cases ang naitala sa lalawigan ng Cagayan.

Sinabi ni Oliver Baccay ng PIA Cagayan na ito ay batay na rin sa pagkumpirma ng Department of Health (DOH) Region 2.

Sa pinakahuling datos, naiulat kahapon ang ika 36th confirmed patient na lalaki mula sa bayan ng Lallo na may travel history sa Pasay City at umuwi sa lalawigan noong June 8 habang sinundan pa ng ika 37th confirmed patient na isang 21 anyos na babaeng mula sa bayan ng Lallo at may travel history naman sa Cordon, Isabela.

Ayon kay Baccay, agad na isinailalim sa pagsusuri at mandatory quarantine ang dalawa ng makauwi sa Cagayan at ng lumabas ang kanilang swab test ay nagpositibo sila sa virus.

Nabatid pa na naitala naman sa lalawigan ng Isabela ang ika-35th COVID-19 confirmed case.

Matatandaang buwan ng Abril pa ng huling makapagtala ng kaso ng COVID-19 sa buong rehiyon.

Patuloy naman ngayon ang pagpapaalala ng mga otoridad na huwag maging kampante at panatiligin pa rin ang pagsunod ng mga safety protocols upang makaiwas sa banta ng COVID-19