Kinumpirma ng Department of Health Region 2 ang unang kaso ng mpox noong September 7.

Ayon sa DOH, nasa isolation na ang pasyente na hindi na pinangalanan para sa kanyang privacy protection.

Sinabi ng DOH, nakikipag-ugnayan na sila sa City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) para sa contact tracing upang matukoy ang mga tao na nalantad sa pasyente.

Ayon sa ahensiya, susubaybayan ang lahat ng close contacts ng pasyente para sa mga sintomas at binigyan na rin ng mga abiso.

Nakikipag-ugnayan na rin ang regional health officials sa local government units upang matiyak na mahigpit na nasusunod ang mga health protocols upang masiguru na hindi na magkakaroon ng hawaan ng nasabing sakit.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, hinikayat ng DOH ang publiko na manatiling kalmado subalit maging vigilant.

Binigyang-diin ni Dr. Amelita Pangilinan, director ng DOH Region 2, ang kahalagahan ng pagpapatupad ng health protocols, kabilang ang regular na paghuhugas ng mga kamay, pagsusuot ng face mask sa matataong lugar, at magpatingin sa ospital kung may sintomas ng Mpox.

Idinagdag pa ni Pangilinan na nakikipagtulungan na sila sa health care providers at local government units upang mapigilan ang pagkalat ng virus at maprotektahan ang kalusugan ng bawat isa.

Ang karaniwang sintomas ng Mpox ay mga pantal sa balat at mga bulutong na tumatagal ng dalawa hanggang apat na linggo.

Sinasamahan din ito ng lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng kasukasuan at likod, at pamamaga ng lymph nodes.