TUGUEGARAO CITY – Patuloy na minomonitor sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang isang Pinay Overseas Filipino Worker na itinuturing na Persons Under Investigation (PUI) o iniimbestigahan kung may Novel Coronavirus infection.
Kinumpirma ngayong araw ni Dr. Rio Magpantay, regional director ng DOH RO2 na kauna-unahan sa rehiyon na maituturing bilang PUI ang 29-anyos na OFW mula Hongkong na umuwi sa Pilipinas noong January 24.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Magpantay na WALA pang kaso ng NcoV sa rehiyon dos habang iniimbestigahan pa kung may NcoV ang naturang OFW na nasa isolation facility ng CVMC.
Sinabi pa niya na naipadala na sa Research Institute for Tropical Medicine ang mga samples o specimen na kinuha sa pasyente at inaantay na lamang ang resulta nito.
Dagdag pa ng opisyal na bumubuti na rin ang kalagayan ng pasyente na maaaring mag-negatibo sa virus.
Hinikayat naman ni Magpantay ang publiko na huwag mag-panic at manatiling kalmado kasunod ng naitalang PUI sa lambak ng Cagayan.
Tiniyak nito na nagtutulungan ang ibat-ibat ahensiya para maiwasan ang pagkalat ng nasabing sakit.
Mas mainam pa rin aniya na ugaliin ang paghuhugas ng kamay at pananatili ng proper hygiene upang makaiwas hindi lamang sa nCoV kundi maging sa iba pang mga sakit.