Nagkaroon ng “landing incident” ang isang eroplano ng United States Air Force habang isinasagawa ang joint exercise kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Martes, ayon sa AFP.

Ayon sa AFP Public Affairs Office, ang eroplano ay isang C-146 Wolfhound na kasali sa joint roadway landing exercise. Agad na nakumpirma na ligtas ang lahat ng piloto at crew, at walang sibilyang nasaktan sa insidente.

Aniya, ang aktibidad ay isinagawa sa isang kontroladong training environment bilang bahagi ng pagpapalakas ng interoperability at kahandaan sa humanitarian assistance, disaster response, at national defense operations.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng AFP ang insidente at tiniyak nilang magbibigay ng karagdagang detalye sa tamang oras.

Ayon sa Department of National Defense, pinanood ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang highway landing exercise na tampok ang C-146 Wolfhound ng US Air Force Special Operations Command. Ito ang kauna-unahang highway landing operation sa Pilipinas at pangalawa lamang sa buong Asya.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ng DND na ang milestone na ito ay nagpapakita ng patuloy na commitment ng Pilipinas at Estados Unidos na palalimin ang defense cooperation at palakasin ang combined readiness para sa seguridad ng rehiyon.