Nagpalitan ng panibagong pag-atake ang Estados Unidos at Iran sa Gulf nitong Lunes habang patuloy ang tensyon sa kontrol ng Strait of Hormuz, isang mahalagang daanan ng pandaigdigang kalakalan ng langis.

Ayon kay US PRESIDENT Donald Trump, inilunsad ang operasyong tinawag na Project Freedom upang tulungan ang mga barkong naipit na makatawid sa naturang kipot. Gayunman, hindi pa malinaw ang detalye ng operasyon at kinukuwestiyon ito ng ilang mambabatas dahil sa kakulangan umano ng pahintulot mula sa Kongreso.

Sa gitna ng operasyon, ilang barkong pangkalakalan ang nakaranas ng pagsabog at sunog, habang sinabi ng militar ng Estados Unidos na nakasira sila ng anim na maliliit na bangkang militar ng Iran. Itinanggi naman ito ng panig ng Iran.

Samantala, tinamaan ng missile ang isang oil port sa United Arab Emirates na nagdulot ng sunog, bagay na kinondena ng pamahalaan nito bilang seryosong paglala ng sitwasyon. Iginiit ng Iran na ang mga pag-atake ay tugon sa presensya ng puwersang militar ng Estados Unidos sa rehiyon.

Ayon kay Foreign Minister Abbas Araqchi ng Iran, walang solusyong militar sa krisis at nagpapatuloy ang usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng Pakistan bilang tagapamagitan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila nito, nananatiling mataas ang tensyon sa rehiyon, habang tumataas ang presyo ng langis at nag-aalangan ang mga shipping company na bumiyahe hangga’t walang malinaw na kasunduan sa tigil-putukan.