Pansamantalang natapos ang negosasyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran matapos ang serye ng pag-uusap sa Islamabad kaugnay ng anim na linggong digmaan ng dalawang bansa.

Ito ang kauna-unahang direktang pag-uusap ng US at Iran sa loob ng mahigit isang dekada at pinakamataas na antas ng talakayan mula pa noong 1979 Islamic Revolution. Mahalaga ang magiging resulta nito sa kapalaran ng kasalukuyang tigil-putukan at sa muling pagbubukas ng Strait of Hormuz na dinadaanan ng malaking bahagi ng suplay ng enerhiya sa mundo.

Ayon sa Iran, natapos ang 14 na oras na pag-uusap at magpapalitan ng dokumento ang mga eksperto ng magkabilang panig. Magpapatuloy pa ang negosasyon kahit may mga natitirang hindi pagkakasundo.

Kabilang sa dumalo sa pulong sina US Vise President JD Vance, United States Special Envoy to the Middle East Steve Witkoff, at Businessman and former Senior Advisor to the President of the United States Jared Kushner mula sa US, at sina Speaker of the Parliament of Iran Mohammad Baqer Qalibaf at Minister of Foreign Affairs of Iran Abbas Araqchi.

Sa usapin ng tigil-putukan, iginiit ng US ang malayang pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz at paghina ng nuclear program ng Iran. Samantala, hinihingi ng Iran ang kontrol sa naturang lugar, bayad-pinsala sa digmaan, at pagpapalaya ng kanilang mga pondo sa ibang bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy din ang tensyon sa rehiyon matapos makisali ang Israel sa mga pag-atake laban sa Iran at sa mga grupong kaalyado nito sa Lebanon. Sa kabila ng negosasyon, nananatiling mataas ang kawalan ng tiwala sa pagitan ng dalawang bansa.