Inanunsyo ng United States ang mas mahigpit na sanctions laban sa oil industry ng Iran habang patuloy ang pagsasara ng Strait of Hormuz sa gitna ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon sa US Department of the Treasury, target ng bagong sanctions ang mahigit dalawang dosenang indibidwal, kumpanya, at barko na konektado sa network ng negosyanteng si Mohammad Hossein Shamkhani.

Sinabi ni US Treasury Secretary Scott Bessent na layunin ng hakbang na pigilan ang kita ng Iran at mapigilan ang umano’y pagsasamantala ng mga elite sa bansa.

Kaugnay nito, iginiit ng US State Department na nais nitong limitahan ang kakayahan ng Iran na kumita habang ginagamit ang Strait of Hormuz bilang leverage sa digmaan.

Samantala, patuloy ang naval blockade ng US sa mga daungan ng Iran, habang pinananatili ng Iran ang pagsasara ng naturang mahalagang ruta ng langis at gas bilang tugon sa operasyon ng US at Israel.

-- ADVERTISEMENT --

Nagpatupad din ng hiwalay na parusa laban kay Seyed Naiemaei Badroddin Moosavi, na sinasabing financier ng Hezbollah at ilang kumpanyang sangkot umano sa money laundering na may kaugnayan sa bentahan ng Iranian oil kapalit ng ginto mula Venezuela.