Inihayag ni US President Donald Trump na pansamantalang ititigil ng Estados Unidos ang operasyon nito upang gabayan ang mga barkong na-stranded sa Strait of Hormuz, habang magpapatuloy ang blockade sa mga pantalan ng Iran.

Ayon sa pangulo, ang paghinto ay panandalian lamang upang makita kung maisasapinal ang isang kasunduang pangkapayapaan sa Iran.

Ipinagdiwang naman ng state media ng Iran ang hakbang at tinawag itong tagumpay, habang inaakusahan si Trump na umatras at tinatakpan ang kabiguan ng operasyon.

Hindi pa malinaw ang susunod na mangyayari, ngunit inaasahan ng US na magsisilbi itong hakbang upang mahikayat ang Iran na muling makipagnegosasyon.

Ang operasyon na tinawag na Project Freedom ay layong tulungan ang tinatayang 2,000 barko at 20,000 seafarers na naipit sa nasabing kipot, ayon sa United Nations.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni US Secretary of State Marco Rubio na tapos na ang offensive stage ng digmaan laban sa Iran at nakamit na ng US ang mga layunin nito.