
Ipinahayag ni US President Donald Trump na hindi siya kuntento sa pinakahuling alok ng Iran para sa negosasyon, na nagpapahiwatig na posibleng magpatuloy ang tensyon sa pagitan ng dalawang panig.
Ayon sa kanya, may mga kondisyon ang Tehran na hindi niya matanggap, kahit na may patuloy na komunikasyon sa pagitan ng U.S. at Iran.
Sa panig naman ng Iran, sinabi ni Foreign Minister Abbas Araqchi na bukas pa rin sila sa diplomasya kung mababago ng Estados Unidos ang tinawag nilang “agresibong approach.” Gayunpaman, nananatiling nakaalerto ang kanilang mga puwersa dahil sa posibilidad ng pag-atake.
Kasabay nito, lumala rin ang tensyon sa mga kaalyado matapos iulat ang pag-withdraw ng ilang tropang Amerikano mula sa Germany, kasunod ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ni Trump at German Chancellor Friedrich Merz.
Sa gitna ng patuloy na tensyon, nananatiling sensitibo ang sitwasyon sa Strait of Hormuz, isang mahalagang daluyan ng langis sa mundo. Dahil dito, may pangamba sa posibleng epekto sa suplay ng langis at pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang merkado.










