
Inihayag ni US president Donald Trump na hindi niya kailangan ang tulong ng China upang wakasan ang nagpapatuloy na sigalot laban sa Iran, sa gitna ng tumitinding tensyon sa Strait of Hormuz.
Ayon kay Trump, kaya ng Estados Unidos na tapusin ang sigalot sa mapayapa man o ibang paraan habang nagpapatuloy ang paghihigpit ng Iran sa kontrol nito sa mahalagang rutang pandagat na dinadaanan ng malaking bahagi ng suplay ng langis sa mundo.
Kasabay nito, iniulat na pinalalakas ng Iran ang impluwensya nito sa Strait of Hormuz sa pamamagitan ng kasunduan sa Iraq at Pakistan para sa pagbiyahe ng langis at liquefied natural gas. May ilan pang bansa umano ang nakikipag-usap sa Tehran para sa kahalintulad na kasunduan.
Nakatakdang talakayin nina Trump at Chinese President Xi Jinping ang sigalot sa kanilang pagpupulong ngayong linggo, kung saan inaasahang hihikayatin ng Estados Unidos ang China na kumbinsihin ang Iran na makipagkasundo upang matigil ang giyera.
Iginiit naman ng Iran na kabilang sa kanilang kondisyon ang kabayaran sa pinsala ng digmaan, pagtanggal ng blockade ng US, at pagtatapos ng mga opensibang militar sa rehiyon.
Samantala, umakyat sa mahigit 107 dolyar kada bariles ang presyo ng langis habang nagpapatuloy ang tensyon sa Strait of Hormuz.










