Tinanggihan ng US Supreme Court ang apela ni US President Donald Trump na ipawalang-bisa ang desisyon ng korte na nag-aatas sa kanya na magbayad ng $5 milyon bilang danyos kay dating magazine columnist na si E. Jean Carroll.

Noong 2023, napagpasyahan ng hurado na mananagot si Trump sa sexual abuse at paninirang-puri laban kay Carroll. Iginiit ng kampo ni Trump na naging hindi patas ang paglilitis dahil pinayagan ang ebidensya kaugnay ng iba pang umano’y nakaraang sexual misconduct allegations laban sa kanya, ngunit hindi ito kinatigan ng Korte Suprema.

Sa isang pahayag sa social media, nagpahayag ng pagkadismaya si Trump sa naging desisyon at muling iginiit na peke ang kaso laban sa kanya. Samantala, nananatiling hiwalay ang isa pang kaso kung saan pinagbabayad din si Trump ng $83.3 milyon dahil sa paninirang-puri laban kay Carroll.