Bahagyang tumaas ang kabuuang utang ng pamahalaan sa P18.16 trilion noong Pebrero, dahil sa mas mataas na pangungutang sa loob ng bansa na bumawi sa pagbaba ng utang panlabas.

Ayon sa Bureau of the Treasury (BTr), umakyat ng 0.14 porsiyento ang kabuuang utang kumpara noong nakaraang buwan.

Sinabi ng BTr na ang maliit na pagtaas na ito ay nagpapakita ng matatag at maayos na pamamahala sa utang ng gobyerno sa kabila ng pabago-bagong kondisyon ng pandaigdigang ekonomiya.

Gayunpaman, tuloy-tuloy na tumataas ang kabuuang utang mula pa noong Oktubre ng nakaraang taon.

Ang utang sa loob ng bansa ay tumaas ng 1.25 porsiyento sa P12.48 trilyon, na bumubuo sa mahigit kalahati ng kabuuang utang.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon ito sa estratehiya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mas paboran ang lokal na pangungutang upang mabawasan ang panganib mula sa hindi kanais-nais na mga pangyayari sa ibang bansa.

Samantala, bumaba naman ng 2.21 porsiyento ang utang panlabas sa P5.68 trilyon.