Umabot na sa P16.090 trillion ang kabuuang utang ng pamahalaan sa pagtatapos ng November 2024 na mas mataas ng 10 percent, batay sa datos na inilabas ng Bureau of Treasury (BTr).

Mas mataas ito sa P14.508 trillion na naitala noong November 2023, at mas mataas ng 0.4 percent sa P16.020 trillion noong October 2024.

Ayon sa BTr, tumaas ang utang ng pamahalaan dahil sa net financing at ang impact ng local currency depreciation sa halaga ng foreign-currency-dominated debt.

Ang utang panloob o domestic debt ng bansa ay P10.921 trillion, na mas mataas nitong 2023 sa katulad na panahon.

Ang pagtaas ay bunsod ng P30.67 billion na net issuance ng domestic securities, at ang P1.15 billion impact ng paghina ng piso kontra dulyar.

-- ADVERTISEMENT --

Naitala naman ang P5.169 trillion na utang panlabas o external debt, mas mataas ng 15.3 percent mula sa P4.48 trillion sa nakalipas na taon.

Ayon sa BTr, ang paghina ng piso kontra dulyar ang nagbunsod ng P35.61 billion na pagtaas sa local valuation sa US dollar-denominated debt at naidagdag pa ang foreign loan availments na P8.33 billion.