Umakyat pa sa P15.89 trillion ang kabuuang utang ng Pilipinas sa pagtatapos nitong buwan ng Setyembre.
Ayon sa Bureau of Treasury (BTr), mas mataas ito ng 2.2 percent kumpara sa P15.55 trillion na naitala noong hanggang katapusan ng Agosto.
Nasa P10.94 trillion ang tinatawag na domestic debt o utang panloob kung saan pangunahing dahilan nito ang mahigit P145 billion net issuance ng government securities.
Sa kabila niyan, malaking tulong naman ang paglakas ng halaga ng piso kontra US dollar upang mapababa kahit paano ang halaga ng utang natin.
Ayon pa sa Treasury, nasa P4.96 trillion naman ang utang panlabas ng gobyerno ng Pilipinas na mas mataas ng 4.2 percent kumpara noong Agosto.
Kung ikukumpara naman sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, nasa 11 porsyento ang itinaas ng utang ng Pilipinas o katumbas ng P1.3 trillion.